Matapos ma-stroke, Pepe Smith nangakong muling aawit at babalik sa entablado para sa kanyang mga fans  




Imahe mula sa Twitter account ni Doi Abunda/Joey "Pepe" Smith Official

Muling  babalik at aawit sa entablado; ito ang pangako ng beteranong rakista na si Joey “Pepe” Smith.

Matatandaang  isinugod sa ospital si Smith makaraang ma-stroke nitong Nobyembre 14 ng gabi.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, bagama’t bumubuti na ang kanyang kalagayan, kasalukuyang nakararanas ng hirap sa pagsasalita ang rakista.

Kaya naman, higit na nagpupursige si Smith na maibalik sa dati ang kanyang pagsasalita upang muling maibahagi ang kanyang musika sa kanyang mga tagahanga.

Sa limang taon, ito ang ikatlong stroke ni Pepe kaya nag-aalala ang kanyang mga anak.

Ipinaiiwas  muna kay Pepe ang anumang makapagbibigay ng stress; pati na rin ang alak at sigarilyo.

Magdadaos sana ng concert si Pepe noong Nobyembre 18, para sa  kauna-unahang annual Pepe Smith Rockfest, ngunit napagkasunduan ng management at concert producer na ilipat ang rockfest sa ibang petsa.