Dennis Rodman nais maging peace envoy ng US at North Korea

Imahe mula sa Dennis Rodman Facebook account/Public domain

Hinimok ni NBA hall of famer superstar na si Dennis ‘The Worm’ Rodman si US President Donald Trump na ipadala siya sa North Korea upang magsilbing “peace envoy” sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon sa ulat ng DWIZ, ang pahayag na ito ni Rodman ay upang maiwasan ang posibleng pagsiklab muli ng digmaan sa pagitan ng US at NoKor sa gitna ng nagpapatuloy na nuclear arms development program ng huli.

Hiniling  ni Rodman kay Trump na siya’y ipadala sa North Korea upang makipag-negosasyon kay Supreme Leader Kim Jong Un at kahit paano’y mabawasan ang tensyon.

Ayon kay Rodman, may pagkakahalintulad ng ugali sina Trump at Kim gaya ng pagiging ‘dominante.’

“They love control,” ani Rodman.

Wika pa ni Rodman, limang beses na siyang nakabisita sa North Korea simula noong 2012 upang magsilbing trainer ng pambansang koponan ng basketball ng NoKor at itinuturing din niyang malapit na kaibigan si Kim.