Dahil sa ‘Ang Panday’, hindi na maisingit ni Coco ang love life




Imahe mula sa Facebook page na Coco Martin Cm

Dahil sa sobrang pagtutok ng aktor na si Coco Martin sa pelikulang Ang Panday, hindi na umano nito maisingit ang kanyang love life.

Ayon sa PHilStar, isang malaking karangalan daw para kay Coco ang maging bida, direktor, at prodyuser ng pelikula. Ito raw ang matagal na niyang pinapangarap.

“Nasa indie pa ako, gustung-gusto ko na magdirek. Siguro naramdaman ko sa sarili ko na ito na ang tamang pagkakataon. Sina Tito Eddie (Garcia), matagal ko na silang katrabaho at kaibigan. Kumbaga habang nagsu-shoot din po ako, humingi ako sa kanila ng guidance,” masayang pahayag ng aktor.

Tiyak niyang kakaibang klaseng Panday ang masasaksihan ng mga manonood ngayong Metro Manila Film Festival.

“Inaral ko ‘yung storytelling, kung ano ba ang nauuso ngayon. Siyempre sinasabayan ko rin ang mga millennial. At the same time, mayroon pa ring touch ng old na Panday. Iniba ko siya, pinilit ko kasi siyang ibahin. Pinasok ko ‘yung both world na natutunan ko sa indie at saka sa mainstream,” kuwento niya.

Samantala, sa gitna ng busy schedule, ay nagagawa pa rin ng aktor na ibalik sa fans ang pagmamahal na ibinibigay ng mga ito sa kanya. Nitong Biyernes lamang, pinasaya ng aktor ang mga kababayan nating Pinoy sa Florence, Italy para sa ikasampung taong anibersaryo ng Kapamilya Fiesta World.

“Gusto ko talaga every Christmas, nagpupunta ako sa ibang bansa para makapagpasalamat ako sa mga OFW. Kasi siyempre po, isa po sila sa mga sumusuporta sa Probinsyano at saka sa lahat ng mga pelikulang ginagawa ko,” saad niya.

Narito ang trailer ng Ang Panday: