Pepe Smith, stable na ang kondisyon, nakapagbibiro na ngunit hirap sa pagsasalita




Imahe mula sa Twitter account ni Doi Abunda/Joey "Pepe" Smith Official

Stable na ngayon ang kondisyon at under observation ang Pinoy Rock legend na si Joey “Pepe” Smith makaraang ma-stroke nitong Nobyembre 14 ng gabi.

Ayon sa ulat ng GMA, nasa Metro Antipolo Hospital ang rock singer upang magpalakas.

Salaysay ng manager na si Mark de Leon, pauwi sana sila sa Antipolo dakong  11 p.m. nang atakihin ang rock icon.

Nu’ng medyo malapit na kami sa subdivision, panay ang tapik niya dito sa balikat ko. Akala ko nagtatawanan lang kasi kami, akala ko talaga natutuwa lang siya. Paglingon ko nakabagsak na ‘yung jaw niya tapos nagdu-drool na siya, diniretso ko na siya dito [sa ospital].”

Hirap sa pagsasalita si Pepe, ngunit masayahin pa rin, nagbibiro at positibo ang kanyang disposisyon.

Rock and roll nang rock and roll du’n sa loob. Kinuk’wentuhan ang mga nurse. Kung bibigyan mo nga ng gitara, maggigitira sa loob,” ani De Leon.

Sa limang taon, ito ang ikatlong stroke ni Pepe kaya nag-aalala ang kanyang mga anak.

Sina Queenie at Beebop Smith ay nasa ospital upang alalayan ang ama.

Ipinaiiwas  muna kay Pepe ang anumang makapagbibigay ng stress, alak at sigarilyo.

Wika ni Queenie, malinaw daw na tuloy lamang ang buhay ng kanyang ama.

Huwag kayong mag-alala, makikita n’yo pa siya na tumutugtog at tuloy na tuloy pa rin ang buhay ng Philippine Rock and Roll. For now kailangan po namin ng prayers n’yo para sa kanyang full at speedy recovery,” wika ni Queenie.

Magdadaos ng concert si Pepe sa Nobyembre 18, para sa  kauna-unahang annual Pepe Smith Rockfest, ngunit napagkasunduan ng management at concert producer na ilipat ang rockfest sa ibang petsa.

Inihayag ito sa Joey “Pepe” Smith Official  page sa Facebook:

Patuloy po ang aming panalangin sa inyong tuloy-tuloy na paggaling.

Panoorin ang ulat na ito ng 24 Oras para sa iba pang detalye: