Gen. Bato pumalag sa “parang demonyo” na paglalarawan sa mga pulis noong rally




Image by DFN Files

Pinuna ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang paglalarawan sa mga pulis noong Peace rally. Hindi raw niya tatanggapin na “parang demonyo” ang tingin ng mga tao sa pulis.

Ginanap ang Peace rally kahapon, ika-5 ng Nobyember sa EDSA Shrine upang manawagan sa administrasyong Duterte. Pinamunuan ng mga obispo ng The Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang prayer rally upang manawagan na itigil na ang patayan sa ilalim ng War on Drugs campaign.

Ngunit ikinabahala naman ni Gen. Bato ang tila masamang imahe ng paglalarawan sa kanyang mga tauhan. Ibinahagi niya sa ABS-CBN na taliwas ito sa kanilang ginagawa. Aniya, “Baka ina-assume ninyo, nila na sila ang nasa good side. Sila ang mga taong may halo sa ulo at iyung PNP iyan iyung mga demonyo na may hawak na trident na fork. Parang Satanas ang tingin nila sa pulis.”

“Kapag ganoon ang depiction, sila lang ang mabait tapos kami dito sa PNP ay masasama lahat? That’s unacceptable,” dagdag pa ni Gen. Bato.

Nagbigay rin ng paalaala si Gen. Bato na ang mga opisyal ng gobyerno at mga pari na gumagawa ng kasalanan ay parehong mananagot sa Panginoon.

Dagdag pa niya, “Kung ikaw ay pulis, gumagawa ka ng krimen, mananagot ka kay Lord. Kung ikaw ay pari, gumagawa ka ng kasinungalingan, mananagot ka rin kay Lord, kahit pari ka.”

Samantala, tinanggap naman ng gobyerno ang mensahe ng peace rally. Ayon pa kay Communications Secretary Martin Andanar, ito raw ang nagpapatunay na buhay na buhay pa rin ang demokrasya sa bansa.

Source :

ABS-CBN, ABS-CBN