Russia, nagbigay ng 5,000 assault rifles at iba pang gamit sa Pilipinas

Image capture from video by RTVM via PCOO Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang seremonya nitong Miyerkules kung saan tumanggap ng iba’t-ibang gamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa Russia.

Kabilang sa natanggap ng AFP ay 5,000 piraso ng AK-74M Kalashnikov assault rifles, 20 trucks, 5,000 helmet at kahon-kahong bala.

Ang pormal na turn-over ng nasabing mga gamit ay ginawa sa Russian anti-submarine ship Admiral Pantaleev na kasalukuyang nakadaong sa pantalan ng Maynila. Pinangunahan ito nina Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Defense Minister Sergey Shoygu.

Dumalo din sa nasabing event sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, AFP chief General Eduardo Año, National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon Jr, Russian Ambassador Igor Khovaev, at Major General Aleksandr Kshimovkiy ng Ministry of Defense ng Russia.

Ayon kay Lorenzana, ibinigay ng Russia sa Pilipinas ang mga gamit nang libre at walang kapalit.

Limang buwan na ang nakararaan nang bumisita sa Moscow si Pangulong Duterte at nakadaupang palad si Russian Vladimir Putin.

Sa kanilang maikling naging pag-uusap, nangako ang Russian leader na magbibigay ng tulong sa administrasyong Duterte sa gitna ng kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Napilitang kaagad bumalik sa bansa ang Pangulo at hindi na itinuloy ang kaniyang state visit matapos sumiklab ang karahasan sa Marawi City noong Mayo 23.