Koko Pimentel, bukas sa posibilidad na makasama si Arroyo sa senatorial slate ng PDP-Laban sa 2019




Images from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Bukas si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa posibilidad na makasama sa 2019 senatorial slate ng PDP-Laban ang dating pangulo na  ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na kalilipat laman sa partido.

Taong 2007 nang akusahan noon ni Pimentel si Arroyo ng electoral sabotage dahil umano sa malawakang dayaan sa halalan na naging dahilan upang malaglag siya sa mga nanalong kandidato at talunin ni Senador Juan Miguel Zubiri.

Subalit ayon kay Pimentel, nagbago na ang panahon at maging ang mga tao ay nagbabago rin lalo na sa daigdig ng politika.

“Hindi naman, because people change and circumstances change, especially in politics. We should not close doors or burn bridges unless absolutely called for or warranted,” ani Pimentel kung hindi magiging asiwa ang kaniyang pakiramdam oras na makatabi si Arroyo sa kampanya.

Ganunpaman, dagdag pa ng senador, wala naman daw problema kung sumanib sa kanila si Arroyo lalo pa’t suportado nito ang isinusulong na pederalismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“But she must be the one to change by embracing the PDP-Laban’s core principles of belief in God, human dignity, love of country, equal opportunities for all, consultative and participatory democracy, and federalism,” paliwanag pa ni Pimentel.

Maliban kay Arroyo kasama ring sumanib sa PDP-Laban ang kaniyang mga dating opisyal ng Gabinete na sina sina Arthur Yap at Nasser Pangandaman.

Nauna nang naglabas ng listahan si Pimentel ng posibleng magiging kandidato ng PDP-Laban sa pagka-senador na kinabibilangan nina Majority Leader Rodolfo Fariñas, Representatives Alfredo Benitez (Negros Occidental), Geraldine Roman (Bataan), Karlo Nograles (Davao City), at dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino.

Hindi pa rito nakabilang si Arroyo dahil nitong Miyerkules lang ito sumumpa sa harap ni Speaker Pantaleon Alvarez; ang secretary-general ng ruling party.