Dating action star at stunt director na si Baldo Marro, pumanaw na sa edad na 69




Imahe mula sa Facebook account ni Cecile BN/ Instagram account ni Jestoni Alarcon

Nagdadalamhati ngayon ang mundo ng showbiz sa pagpanaw ng dating action star at stunt director na si Teodoro Galan Baldomaro o mas kilala bilang Baldo Marro nitong Oktubre 22 sa edad na 69.

Ayon sa ulat ng PEP, sinabi ng anak ni Baldo na si Monching Baldomaro, komplikasyon sa kalusugan ang ikinamatay ng kanyang ama.

Ayon kay Monching: “3 days after dinala namin siya sa Chinese General. Na check lahat ng p’wedeng i-check sa kanya.

“Ang na find out lang is Denque but suddenly gumaling agad siya. Malakas na siya kaya umuwi na kami at nagpahinga na siya sa bahay. Ready for taping na.

“Sadly po nung gabi nilagnat na naman siya. After two days dinala na namin siya sa St. Dominic Hospital kasi sumuka na po siya ng dugo. And from emergency transfer siya sa ICU…

“Nakuha namin result kinabukasan ok naman lahat sabi ni doctor normal lahat liver, blood pressure, etc. Except sa ulcer niya may butas ang bituka. Nag-normalize naman po lahat.

“Pero nung gabi nagsuka na naman siya ng dugo tapos nirevive siya almost 10 times. ‘di na kinaya ni tatay… ang sakit po ang bilis ng pangyayari. Binigla kami ng tatay.”

Si Baldo ay dating taxi driver bago nito pinasok ang mundo ng pelikula dahil sa idolong aktor na si Jess Lapid Jr.

Sa Facebook post ni Bacoor city mayor na si Lani Mercado, ipinaabot niya ang pakikiramay kay Baldo na makailang beses nakasama ng mister na si Bong Revilla sa mga action film nito.

 Nakatakdang dalhin ngayong gabi ang mga labi ni Baldo sa Samson Funeral Homes sa Bacoor, Cavite.

Ipinaabot din  ng aktres na si Ina Feleo  ang kanyang pakikiramay sa isang Facebook post.

Nagkasama sina Ina at Baldo sa Kapuso afternoon drama series na ‘Hanggang Makita Kang Muli’ na pinagbidahan nina Bea Binene at Derrick Monasterio.

Taong 1988, naging bida si Baldo para sa pelikulang Patrolman, kung saan siya ay kinilala bilang Best Actor ng Metro Manila Film Festival.

Ilan pa sa mga pelikula nito ay Boy Negro (1988); Iyo Ang Batas, Akin Ang Katarungan (1988); Tumakbo Ka Hanggang May Lupa (1990); Alyas Boy Tigas: Ang Probinsiyanong Wais (1998); Bukas, Babaha Ng Dugo (2001); at Masikip Na Ang Mundo Mo, Labrador (2001).

Ang yumaong action star ang fight director ng ilang sikat na GMA-7 series gaya ng Amaya (2011), na pinagbidahan ni Marian Rivera, at ang Ika-6 Na Utos, na pinagbibidahan naman nina Sunshine Dizon at Ryza Cenon.