Bato sa retiree benefits: ‘Antayin n’yo akong maging presidente, quadruple ko ‘yan




Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Pinasinungalingan ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga alegasyon na pinabayaan niya ang benefits para sa mga retiradong kabaro at empleyado ng PNP.

Ayon kay Dela Rosa, may mga nakarating sa kanyang impormasyon na may ilang retired police officers na inaakusahan siyang hindi isinama ang kanilang mga pension sa mga tinaasan.

“Mayroong nagsasabi na ang mga retiree pinabayaan ni Bato. Nag-submit daw ng position paper sa Malacañang na hindi isama ang retirees sa increase next year,” ani Dela Rosa nitong Lunes.

Wala umanong katotohanan ito dahil kung siya ang masusunod ay nais nga niyang triplehin o gawing quadruple pa ang kanilang mga benepisyo.

“Kung ako masunod, triple. Sabihan n’yo mga retirees, ‘Hintayin n’yo maging Presidente si Bato.’ Gagawin kong quadruple mga suweldo n’yo,” dagdag pa ng opisyal.

Ganunpaman, naiintindihan niya umano ang mistulang ‘pagtatampo’ ng mga retiradong opisyal at empleyado ng PNP, lalo pa’t matatanda na ang mga ito.

Wala lang umano talaga siyang magagawa sa kasalukuyan dahil nakagapos ang kanyang mga kamay pagdating sa mga ganitong bagay lalo pa’t umaasa lamang sila sa mga panuntunan ng Malakanyang at ng Department of Budget and Management (DBM).