Ambassador Kim: Hindi maaapektuhan ng kanilang pagkabahala sa human rights ang ibinibigay ng USAID sa Pilipinas




Image via Facebook page of PH News

Kinumpirma ni United States Ambassador to the Philippines Sung Kim na walang epekto ang kanilang pagkabahala sa estado ng human rights sa Pilipinas sa ibinibigay na tulong ng United States Agency for International Development (USAID).

Ani Kim, wala umanong kapalit o kondisyon ang pagbibigay ng ayuda ng USAID lalo’t ang kanilang pagtulong sa Pilipinas ay may malalim na kasaysayan.

Sa kabila nito, aminado naman ang US ambassador to the Philippines na ang naalanganin lamang sa nasabing isyu ay ang pagbibigay nila ng armas sa Philippine National Police (PNP), ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Ito ay dahil sa ganitong uri ng ayuda ay magiging direkta ang kaugnayan ng US sa kampanya ng pamahalaan ng Pilipinas laban sa ilegal na droga.

Ayon sa ulat ng News Portal, matatandaan na isa ang US sa mga pumupuna sa pamamaraan ng PNP sa pagsupil sa mga suspek ng ilegal na droga.

Nauna nang inamin ng USAID na wala silang sapat na budget upang masuportahan ang rehabilitasyon ng mga nalulong sa ‘ipinagbabawal na gamot’ kahit batid nila na isa itong importanteng aspeto ng ‘drug war’ ng gobyerno ng Pilipinas.

Gayunman, tiniyak ni Kim na kung nagiging maingat sila sa pagtulong sa PNP ay patuloy naman ang pagbibigay nila ng ayuda sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Aniya, ang kanilang ayuda sa AFP ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga importanteng intelligence information, mga kagamitan at pagsasanay.

Samantala, sa naganap na pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at Kim nitong Setyembre, nauna nang ipinamalas ni Kim ang kanyang pag-unawa sa hamon ng Pangulo sa kinakaharap nito kaugnay sa ilegal na droga, ayon sa ulat ng DF.