Pangulong Duterte, tikom ang bibig sa paglaya ni Jinggoy




Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Nananatiling tikom ang bibig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaya ni dating senador Jinggoy Estrada matapos ang mahigit 3 taong pagkakakulong sa PNP Detention Center sa Camp Crame.

Si Estrada ay pansamantalang nakalabas ng piitan matapos payagan ng Sandiganbayan 5th Division na makaglagak ng piyansang P1.33-M sa kasong plunder; isang non-bailable offense sa kasalukuyang batas ng bansa.

Ayon kay Duterte, hindi siya ang dapat tanungin, kundi ang Sandiganbayan, tungkol sa pagpapalaya kay Estrada na nasasangkot sa P10-B pork barrel scam kasama ang ilang mga mambabatas na kinabibilangan nina dating Senate President Juan Ponce-Enrile, dating senador Ramon “Bong” Revilla at ang umano’y mastermind na si Janet Lim-Napoles.

“Tanungin mo ang Sandigan[bayan]. Hindi ko teritoryo iyan,” ani Duterte bilang tugon sa mga tanong ng mamamahayag kung may kinalaman siya sa naging takbo ng kaso ni Estrada.

Si Estrada ay nakalaya nitong Sabado at marami ang nangagambang susunod nang makakalabas ang kanyang matalik na kaibigan na si Revilla.

Isa na rito si Senador Leila De Lima, ang Justice Secretary noon na nagpakulong kina Estrada, Enrile at Revilla, at ngayon ay siya namang nasa likod ng rehas na bakal sa Camp Crame.

“After the Marcoses, Enrile, Arroyo and now, Estrada, and the impending release of Bong Revilla and Janet Lim Napoles, Congress might as well decriminalize the crime of plunder and repeal the Anti-Graft and Corrupt Practices Act because they have become useless and worthless under Duterte and his virtual amnesty program for the country’s top plunderers,” ani De Lima sa isang pahayag bilang reaksyon sa paglaya ni Estrada.