“Life must go on” para sa lolo na naglilibot at nagtitinda sa kabila ng malakas na ulan at pagbaha




Image via Pamzkie Luna Facebook Account

Walang uurungan sa ngalan ng hanapbuhay.

Ito ang ipinamalas ng isang lolo sa kasagsagan ng baha sa San Pedro Laguna kamakailan.

Ika-12 ng Setyembre noong humagupit ang bagyong Maring at nagdulot ng malakas na pag-ulan at matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa.

Sa ganitong panahon na ang hirap makalabas ng bahay upang makahanap ng pang-ulam o makakain ay talaga namang mapapaisip ka kung saan na nga ba makabibili at kung paano.

Ganito ang pinoproblema ng isang netizen na inabot ng baha ang kanilang lugar.

Ayon sa Facebook post ni Pamzkie Luna, wala silang stock ng pagkain noong bumaha sa kanilang lugar at tila tugon sa panalangin na dumating ang isang may edad nang lalaki na sa tantiya niya ay nasa 70-anyos. Nakalusong ito sa baha at may mga panindang gulay at iba pa.

Naisip ko kanina wala kami stock ng pagkain ngayon, paano kmi lalabas eh baha. Ambilis ni Lord sumagot, pero naawa ako kay tatang kasi kahit bumabagyo na at baha na tuloy parin sha magtrabaho.”

Dahil sa tuwa na mayroon na silang makakain ay naging galante ang netizen at ibinigay sa tatang ang sukli. Ipinagdasal pa niya ang matanda na maging ligtas.

“Bumili nga ako ng gulay at saging yung sukli sa kanya na, nakita ko yung ngiti nya napawi ng konti yung pagod nya para sa ngayon araw na to. Lord pagingatan po ninyo si tatang, salamat po sa kanya at sa blessing ngayon araw.”

 

Dahil sa labis niyang paghanga sa sipag ni Tatang ay naisipan niya itong kuhanan ng larawan at kanyang ibinahagi sa Facebook.

Aniya sa panayam ng Balita DF, “inspiring kasi siya!”  Ayon kay Pamzkie ay sinabihan niya si tatang na umuwi na pagkat malakas ang ulan at mataas na ang tubig.

Ang kanyang post ay umantig ng damdamin at maraming humanga sa sipag at determinasyon ng matanda. Marami ring nag-alala pagkat sa edad niya ay hindi na dapat nabababad sa lamig at tubig. “Sana ay hindi nagkasakit si tatang.”

Dalawa lang naman ang posibleng rason kung bakit patuloy na nagtitinda si tatang sa kabila ng sama ng panahon. Maaaring nag-aalala siya na malalanta o mabubulok lamang ang kanyang mga paninda kung hindi niya ilalako at hindi na niya mapapaikot ang kanyang puhunan. Posible ring kailangan niya ng pera mula sa benta upang sila ay may ipangtustos. Hindi naman kasi lahat ng tao ay may ekstrang naitatabi.

Ang sigurado ay sadyang masipag si Tatang at susuungin ang peligro makapaghanapbuhay lamang sa marangal na paraan!