DOLE, nakahandang pauwiin ang mga OFWs sa South Korea




File photo

Ipinahayag umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakahanda sila na pauwiin ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa South Korea bunsod ng tumitinding tensyon sa Korean Peninsula.

Ito ang tiniyak ni DOLE Secretary Silvestre Bello III matapos ang huling nuclear test ng North Korea.

Ayon kay Bello, nakababahala ang sitwasyon sapagkat mayroong 80,000 OFWs sa South Korea; ang bansang ilang beses nang pinagbantaan ng North Korea.

Ayon pa sa kalihim, nakahanda na rin ang contingency plan ng Philippine Embassy sa mga safe center sa South Korea na maaaring puntahan ng mga Pilipino sa oras na ipag-utos ang paglikas, ayon sa ulat ng Brigada News.

Tiniyak din ng kalihim na nakahanda na rin ang reintegration program na kung saan hihikayatin ang mga dating OFWs na subukan ang iba pang pangkabuhayan.

Sa pahayag ng DOLE, sa kasalukuyan ay nasa Level 1 pa lamang ang sitwasyon sa South Korea at malayo naman na matuloy ang kaguluhan, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Namuo naman ang tensyon sa South Korea kasunod ng nuclear testing ng North Korea na binatikos ng maraming bansa sa pangunguna ng Amerika.