Bong Revilla, umaasang makalalaya na rin tulad ni Jinggoy Estrada




Image from VM Janella Ejercito

Sa paglaya ni Jinggoy Estrada mula sa mahigit tatlong taong pagkakapiit sa Philippine National Police Custodial Center, hindi mapigilan ni Bong Revilla na umasang makalalaya na rin siya.

Si Estrada at Revilla ay kapwa dating senador na inakusahan ng plunder at graft dahil sa pagkakasangkot sa Priority Development Assistance Fund scam o pork barrel scam. Si Estrada ay pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa upang pansamantalang makalaya.

Hindi umano sapat ang ebidensiya sa akusasyon laban kay Estrada hinggil sa nasabing pork barrel scam. P1.3 milyon umano ang piyansang ibinayad ng kampo ni Estrada sa Sandiganbayan.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, naging emosyonal umano si Revilla nang magpaalam na sa selda niya si Estrada. Hindi raw niya maiwasan na maging malungkot.

Habang magkayakap na nagpapaalam sa isa’t isa ang dalawa ay halata umano ang pigil nilang emosyon, ayon sa mga nakasaksi ng tagpong iyon sa PNP Custodial Center.

Sabi ni Revilla, sana raw ay maging madalas ang pagdalaw ni Jinggoy sa kanya.