Upang mapatunayang sinsero sa pagtugis sa kriminal, druglord at terorista, Duterte hiniling na sana’y mabaril siya sa ulo




Duterte Image capture of video by CNN Philippines

“Kaya palagi akong nandoon, hoping also that I’d get a bullet in the head and probably that would satisfy everybody na totohanan ‘yung kanya.”

Upang patunayang sinsero siya sa pagtugis sa mga kriminal, drug lords at terorista sa bansa, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya’y mabaril sa ulo kaya bumabalik ito sa Marawi.

Ayon sa ulat ng Phil Star, sinabi ng Pangulo na masakit para sa kaniya ang mga nababalitaang namamatay na sundalo sa bakbakan sa Marawi.

Kamakailan ay muling nagbalik sa Marawi City si Duterte upang ipahayag ang suporta at itaas ang morale ng mga sundalo.

 “Huwag mo akong gawaing g***. I was there but I was also to assure them. Masakit sa akin kasi I proclaimed martial law there and I sent the soldiers there to die,” wika ni Duterte.

Ipinaliwanag din ni Duterte na ang ugat ng kaguluhan sa Marawi City  ay paghahain lamang sana ng warrant para sa isang kaso ng iligal na droga.

Wika pa ni Duterte na nakuha na umano ng Maute group ang mga tunnel at maging mga pampasabog kaya hirap ang mga sundalo.

Dahil sa mga hawak na bihag ng Maute group kaya hirap din ang military sa pagtapos sa grupo, ayon pa sa commander-in-chief.

Hinimok din ng Pangulo ang mga mamamayan na mag-isip kung ano ang mangyayari kung ang nagaganap sa Marawi City ay magaganap din sa limang siyudad sa Pilipinas.

Nagsimula ang kaguluhan sa Marawi noong Mayo 23 at umaabot na sa 700 ang namamatay, kabilang ang 100  mula sa tropa ng gobyerno.

Samantala nangako naman ng trip to Hongkong si Duterte sa mga sundalo sa oras na magwakas ang digmaan sa lungsod.