Taxi driver, itinakbo ang cellphone ng Vietnamese delegate para sa ASEAN Summit




Image capture of video by ABS-CBN

Sa kalaboso ang bagsak ng isang taxi driver na diumano ay nambiktima ng isang babaeng Vietnamese na bahagi ng delegado ng Ministry of Health ng Vietnam para sa ASEAN Summit na gaganapin sa Maynila.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, itinakbo ng driver ng Alvichen Taxi, may plakang UVU 691, na kinilalang si Roderick Balila, 32-anyos, ang cellphone ng nagreklamong si Anh Pham.

Sa salaysay ni Pham, dakong alas-singko ng hapon nang sumakay siya sa taxi mula sa Rizal Park sa Roxas Boulevard upang magpahatid sa kalapit na Manila Bay.

Pinaikot-ikot lang umano ni Balila ang taxi sa Padre Burgos at Kalaw sa loob ng 20 minuto bago ibinaba ang biktima sa kabilang panig ng Roxas Boulevard ‘di kalayuan kung saan ito sumakay. P2,900 umano ang sinisingil sa kanya ni Balila.

At dahil nalalakihan umano sa sinisingil sa kanya, tinawagan ng biktima sa cellphone ang kaibigang Pilipino upang kausapin ang driver. Nakababa na noon sa taxi ang biktima. Nang iabot ni Pham kay Balila ang cellphone upang makausap ng Pilipino ay pinasibad nito ang kanyang taxi dala ang cellphone ng Vietnamese.

Agad na dumulog sa pulisya ang biktima na mabilis namang natunton dahil naplakahan ang taxi nito sa pamamagitan ng kuha ng CCTV sa lugar.

Itinanggi naman ni Balila na sinisingil niya ng P2,900 si Pham. Ang buong akala raw niya ay ‘yung cellphone nito ang ipinambayad sa kanya.