DOH: Bird flu hindi nakukuha sa pagkain ng manok




Public domain

“Sa ibang bansa na may bird flu, ang pagkain ng manok ay hindi nagdulot ng sakit. Ligtas pong kumain ng manok sa ating bansa sapagkat niluluto natin ang manok.”

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na hindi nakukuha ang bird flu sa pagkain ng manok.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Eric­ Tayag, kailangan lamang tiyakin na maluluto nang mabuti ang poultry products.

Dagdag pa niya, maaari pa ring kumain ng nilagang itlog at pritong itlog ngunit iwasan lamang ang pagkain ng hilaw na itlog upang matiyak na hindi mahahawa ng sakit mula sa manok.

Sinabi rin ni Tayag na ang paghina ng benta ng manok sa merkado ay dulot ng maling impormasyon na nakararating sa publiko.

Aniya: “Ang paghina ng benta (ng manok) ay dahil hindi nakararating ang tamang impormasyon sa ating mga kababayan kaya itong binibigay na­ming public health advisory sa mga kababayan natin ay sana makatulong sapagkat ang pagkain ng manok ay hindi nakakahawa ng sinasabing bird flu.”

Sinabi pa ng opisyal na ang tanging posibilidad na mahawa ng bird flu ay ang mga nag-aalaga ng mga manok na may virus, pati ang mga taong nag-handle ng mga namatay na manok at naglinis ng mga kulungan, ayon sa ulat ng Abante Tonite.

Dagdag pa niya, may posibilidad din na magkaroon ng virus ang mga nagbebenta ng mga manok kung sila ang kumatay ng mga apektadong manok dahil ang virus ay mula sa luha at sipon ng manok.

Ani Tayag: “Maaari pong makuha ng tao ang sakit pero bihira lamang po at ‘pag makukuha ang sakit na­giging matindi po ang sintomas o pagkakasakit. Eto ay pagkakaroon ng mataas na lagnat, ubo, sipon. Para din pong human influenza.”

Ibinahagi rin ni Tayag na 60% sa mga nahahawa sa bird flu ay puwedeng mamatay ngunit aniya, wala pa silang nakikita na nahawa sa mga nag-alaga, kumatay o kaya naglinis ng kulungan ng mga manok sa Pampanga.

Inamin din niya na walang stock ang DOH ng anti-bird flu ngunit aniya madali itong mabibili sa United Nations kung kinakailangan.

Samantala, kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na bawat manok na kakatayin ng may-ari dahil umano sa bird flu outbreak ay babayaran nila ng P80, ayon sa ulat ng Balitang DF.