Comelec chair Bautista hindi daw kapit-tuko sa posisyon, handang magbitiw




Image capture of video by Inquirer

Sa gitna ng eskandalong kinasasangkutan ni Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista matapos ibunyag ng kanyang asawa na nagkamal umano siya ng nakaw na yaman na aabot sa halagang isang bilyong piso, nanindigan siya na handa siyang magbitiw sa kanyang posisyon.

Ito ay sa kabila ng pagtanggi niya sa paratang na inilabas ng misis niyang si Patricia Paz.

Sa ulat ng Bombo Radyo, ikinuwento pa umano ni Bautista ang pakikipag-usap nilang mag-asawa kay Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-1 ng Agosto kung saan napag-usapan ang hindi nila pagkakaunawaan bilang mag-asawa. Nagmistulang marriage counselor pa umano si Pangulong Duterte na nais silang magkaayos na mag-asawa alang-alang daw sa kanilang mga anak.

Sa nasabing pulong, sinabi umano ni Bautista sa Pangulo na hindi siya kapit-tuko sa posisyon at  kung nawala na ang kanyang kredibilidad ay walang problema sa kanya na magbitiw sa tungkulin.

Hindi naman umano siya pinagbibitiw ng Pangulo.

“No, I’m not asking you to resign,” sabi umano sa kanya ni Pangulong Duterte.