Cayetano hinimok ang ibang bansa na ‘wag makialam sa desisyon ng ‘Pinas sa West PH Sea




Image from DFA Sec. Alan Peter Cayetano's Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Hinimok ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang Estados Unidos, Japan at Australia na huwag pangunahan ang Pilipinas sa mga desisyon nito sa mainit na usapin sa West Philippine Sea na kinasasangkutan ng China.

Ito ay matapos maglabas ng pahayag ang tatlong bansa na nag-uudyok sa Pilipinas na igiit ang naging desisyon ng arbitration tribunal sa The Hague, Netherlands na inilabas noong nakaraang taon kung saan sinabi nitong walang basehan ang maritime claim ng China sa pinag-aagawang teritoryo.

“We expect nations not to tell us what to do. They have their own foreign policy and interests. Japan, Australia, and the US are our friends. The US is our treaty ally. But we told countries around the world we are sovereign,” ani Cayetano.

“We’ll decide what is good for us, we will decide what strategies are good for us because we are a sovereign nation,” dagdag pa ng kalihim.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na hindi babanggitin sa binuong ‘joint communique’ ng mga foreign ministers mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang land reclamation at militarization ng mga isla sa West Philippine Sea.

Ayon sa kalihim, inihinto na umano ng China ang mga gawain nito sa kabila ng mga lumabas na ulat mula sa isang US think tank na patuloy ang konstruksiyon ng mga pasilidad sa apat na isla sa lugar.

Sa inilabas na pahayag ni US Secretary of State Rex Tillerson at kaniyang mga counterpart mula sa Japan at Australia, hinimok nito ang Pilipinas na pangatawanan ang desisyon  ng UN court dahil ito ay ‘final’ at ‘legally binding’.

Subalit ayon kay Cayetano, bagama’t iginagalang niya ang mga pahayag ng tatlong bansa, ang hidwaang teritoryo ay sa pagitan lamang umano ng Pilipinas at China at dapat manatiling ganito.

“We are not pro-China, pro-US, pro-Japan, pro-whatever. We are pro-Philippines and pro-Asean because we were good friends with China, good friends with Japan, and good friends with the US and we appreciate not to be told what to do,” paliwanag pa ng Foreign Affairs Secretary.