Bantang missile strike ng North Korea sa Guam, pansamantalang iniurong

Image from Korean Central News Agency

Matapos pag-aralang mabuti ang military plan na iprinisinta ng kanyang mga senior officers, napagdesisyunan ni North Korean supreme leader Kim Jong Un na pansamantalang iurong ang bantang pag-atake sa Guam, kung saan may air at naval base ang Estados Unidos.

Sa ulat ng Telegraph, ibinalita umano ng Korean Central News Agency na aantabayanan muna ng North Korean leader ang mga susunod na hakbang ng Estados Unidos bago ito tuluyang magdesisyon kung itutuloy ang missile strike sa Guam.

Ang banta ng North Korea sa Guam ay bunsod ng pahayag ni U.S. President Donald Trump na diumano ay sasalubungin ng “fire and fury” na hindi pa nasasaksihan sa mundo ang North Korea kung patuloy itong magiging banta sa Amerika.

Ang pag-urong ng pag-atake sa Guam ay agad umanong babawiin ng North Korea kung itutuloy ng Estados Unidos ang banta nito laban sa kanila. Inabisuhan ni Kim Jong Un ang kanyang Korean People’s Army na huwag magpakampante at manatiling laging handa sa pag-atake ng Amerika.