[Video] HPG, hawak ang bagong testigo ng Car rental scam




Image capture of video by GMA News via YouTube account

Hawak ng Highway Patrol Group (HPG) ang bagong testigo ng car rental scam.

Ayon sa testigo na hindi pinangalanan, pinagkakatiwalaang tauhan daw siya ni Rafaela Anunciacion, ang hinihinalang mastermind ng scam.

Sinabi rin ng HPG na ang testigo na kanilang hawak ay malaking tulong sa kanilang imbestigasyon at operasyon.

Ayon sa HPG, ibinahagi ng testigo kung paano ang kanilang grupo mag-operate at kung gaano karami ang sasakyan na sangkot.

Ibinigay din ng testigo ang iba pang dokumento na magpapatunay na ganoon karami ang bilang ng sasakyan na sangkot.

Sa mahigit 600 na sasakyan na narekober ng HPG mula sa sindikato ng car rental scam ay nasa 100 na lamang ang hindi naibabalik sa mga bangko at sa mga may-ari ng mga ito.

Kapag natapos na ang imbestigasyon ng HPG ay ire-release na rin nila ang mga sasakyan, ayon sa ulat ng Saksi.

Sa kabila nito, marami pa rin umano ang nabibiktima ng car rental scam. Isa na rito si ‘Sheila’.

Ayon kay ‘Sheila’ kinontrata ng kaniyang kakilala ang kaniyang sasakyan.

Ani ‘Sheila’, nagkasundo sila sa halagang P2,500 kada araw ngunit makalipas ng tatlong araw ay hindi na niya nakita ang kaniyang sasakyan.

Sa huling usapan nina ‘Sheila’ at suspek, sinabi ng suspek na naging middleman lang siya at sa ibang tao niya ipinarenta ang sasakyan.

Ayon pa sa suspek, wala na raw siyang alam tungkol sa nangyari sa sasakyan ni ‘Sheila’.

Samantala, napatay si Eleanor Constantino Rosales, isa sa mga suspek ng scam, ng ‘riding in tandem’ noong Abril, ayon sa inisyal na ulat ng Kicker Daily.

Walang plaka ang motor ng mga suspek at hindi rin nakilala ang mga ito.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa GMA News: