Retiradong pulis sa Japan, hawak ang Guinness World Record ng pinakamaraming Hello Kitty collection




Image capture of video by GMA News

Isang 67-anyos na retiradong pulis sa Japan ang itinanghal ng Guinness World Record na mayroong pinakamaraming koleksyon ng Hello Kitty memorabilia.

Sa video na ibinahagi ng GMA, sinabi ni Masao Gunji na tatlumpu’t limang taon niyang kinolekta ang sari-saring Hello Kitty memorabilia na inilagay niya sa ipinagawang maliit na Hello Kitty-themed na bahay.

Ani Gunji, suportado siya ng asawang si Yoshiko na binibili ang mga Hello Kitty na nakikita niya upang iregalo sa asawang nahumaling na sa “cute icon” ng Japan.

Sabi ni Yoshiko, hindi niya alintana ang laki ng nagagastos ng asawa sa kanyang pangongolekta ng Hello Kitty. Kailangan daw gumawa ng marka sa mundo ang mga tao, at ang Hello Kitty raw ang isa sa mga kaligayahan ng buhay ng asawa.

Umabot sa 5,169 piraso ang bilang ng koleksyon ni Gunji na ginastusan niya ng halagang umabot sa 30 million yen ($267,000), kabilang na ang ginastos sa pagpapagawa ng Hello Kitty house.