Elementary student sa Batangas nagsauli ng perang nahulog mula sa pulis




Imahe mula sa Facebook ng Sanggunian ng Bayan ng Taal/ ABS CBN Twitter

Ang pagiging matapat ay hindi lamang sa sarili; ito’y para na rin sa kapwa at sa Diyos.

Bida ngayon sa Taal, Batangas ang isang estudyanteng nagsauli ng perang nahulog mula sa hepe ng pulis.

Si Juan Carlo Pesigan ay kinilala ng Taal police dahil sa kaniyang katapatan matapos isauli ang perang nagkakahalaga ng P1,020 na kaniyang napulot noong nakaraang linggo.

Salaysay ni Pesigan, pinagpupulot lamang sila ng basura ng guro nang makita niya ang pera. Kaagad naman niya itong ibinigay sa kanyang class adviser.

Pinatotohanan ng gurong si Benilda Aquino ang kabutihang-loob ni Pesigan.

Hindi po ako nagtataka na isinauli niya ‘yung pera dahil nga siya sa room ay napakamasunurin. Ganoon po ang ugali niya sa room,” ani Aquino.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, pagmamay-ari ni Police Senior Inspector Ma. Carizza Matel-Morallos, hepe ng Taal Police ang salaping nakita ni Pesigan.

Aksidenteng nahulog ang pera nang magpunta sila sa Balisong Elementary School upang magdaos ng feeding program.

Nagkataon namang pangarap ni Pesigan ang maging pulis balang araw upang makatulong sa mga bata.

Bilang simpleng pabuya binigyan ni Morallos si Pesigan ng sapatos upang pasalamatan sa ginawa niyang kabutihan.

Samantala sa ika-21 Pagpupulong ng Sangguniang Bayan ng Taal, nitong Hulyo 3 kinilala si Pesigan sa kaniyang mabuting gawa.

fb pesigan

 

Source :

Facebook, ABS CBN