Brillante Mendoza, muling ididirek ang SONA ni Pangulong Duterte




Image from PCOO

Ang tanyag at batikang direktor na si Brillante Mendoza ang muling magdidirihe ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na gaganapin sa ika-24 ng Hulyo.

Ayon sa ulat ng GMA, kinumpirma ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ang pagkakatalaga kay Mendoza bilang director ng ikalawang SONA ng Pangulo. Matatandaang umani ng sari-saring komento ang pagkakadirek ni Mendoza sa unang SONA ng Pangulo noong nakaraang taon dahil sa mga kakaibang anggulo ng kamera na ginamit niya.

Plano rin umanong magkaroon ng mga interpreter para sa mga diplomat na dadalo sa ikalawang SONA. Pinag-iisipan pa raw kung sa Inggles lang isasalin ang talumpati ni Pangulong Duterte o maging sa ibang lengguwahe rin tulad ng Mandarin, Spanish at iba pa.

Ayon pa kay Secretary Andanar, mas magiging kapanapanabik ang ikalawang SONA ng Pangulo dahil marami na itong accomplishments na maiu-ulat sa bayan matapos ang kanyang unang taon bilang Pangulo ng bansa.