[Video] Mga Magkakamag-anak, Muling Nagkita Matapos Magkahiwa-hiwalay dahil sa Labanan sa Marawi City




Image capture of video by ABS-CBN News via YouTube account

“Talagang napaiyak kami dahil sa hindi namin inaakala na magkikita-kita pa kami.”

Ilan sa mga magkakamag-anak ang muling nagkita-kita sa evacuation center sa Iligan City matapos nilang magkahiwa-hiwalay habang lumilikas sa Marawi City.

Mas madaling nakatakas sina Asniya Sandiman dahil nakatira sila sa Marawi. Naiwan umano ang unang asawa ng kaniyang ama na si Norhaya Sultan at ang mga anak nito.

Labis ang pag-aalala nila sa isa’t isa lalo na noong hindi nila natatawagan sina Sultan.

Labing-anim na araw silang hindi nahihimbing sa pagtulog dahil sa pag-aalala kung ligtas ang mga kamag-anak.

Nakarating ng evacuation center sina Sultan at ang anak nito matapos maghanap ng mas ligtas na daraanan.

Naibsan ang kanilang pag-aalala nang muli nilang nakasama ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Ngunit may ilan pa rin sa mga sibilyan ang wala pang balita sa kanilang mga kamag-anak, saad sa ulat ng TV Patrol.

Ito ay tulad ng sitwasyon ni Normine Romoros na wala pang balita sa kaniyang anak.

Hiniling ni Romoros sa pamahalaan na magkaroon ng sistema upang magkita ang mga pamilya.

Sa inisyal na ulat ng Manila Bulletin nitong Huwebes, ayon sa Health Emergency Bureau, sinabi ng Department of Health (DOH) na 3,822 na mga pamilya o 18,473 sibilyan na ang nasa 33 evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng Marawi.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa ABS-CBN