Sarah Lahbati, handang maging Valentina




Mga imahe mula sa Facebook

Kung mabibigyan ng pagkakataon, handa raw ang aktres na si Sarah Lahbati na gampanan ang papel ni Valentina sa Darna movie.

Ayon sa Abante, maugong ang usap-usapan ngayon na si Lahbati ang gaganap bilang Valentina sa Darna movie ng Star Cinema, ngunit wala pa itong kasiguraduhan para sa aktres.

“Tanungin natin si Direk Erik Matti,” ani Lahbati; ngunit handa naman daw siya na maging kontrabida sa buhay ng iconic Pinay super heroine.

“I love to be part of Darna. I love to play the role of Valentina. I love to be a villain pero kung para sa akin, para sa akin. Kung para sa iba, para sa iba,” pahayag niya.

Si Matti ang producer ng “Ang Pagsanib kay Leah dela Cruz“, ang horror movie na pinagbibidahan nina Lahbati, Shy Carlos, at Julian Trono. Project din ni Matti ang Darna sa Star Cinema.

Puring-puri ni Matti ang performance ni Lahbati sa naturang horror movie subalit wala pa itong sinasabi kung sino talaga ang kanyang napipisil na gaganap bilang Valentina.

Happy family life

Samantala, sa ngayon ay ine-enjoy ni Lahbati ang masaya niyang buhay-pamilya. Puring-puri ng aktres ang kanyang asawa; ang aktor na si Richard Gutierrez.

“Chard is so loving and so caring. He’s fun, palagi siyang nandiyan para kay Zion, mapatakbuhan o kung anuman ‘yong gustong gawin ni Zion, he’s very supportive. I’m so grateful to God that he’s such a great father to Zion and a partner,” wika niya.

[Sobrang mapagmahal si Chard. Masayang kasama, palagi siyang nandiyan para kay Zion, mapatakbuhan o kung anuman ‘yong gustong gawin ni Zion, sobrang supportive niya. Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos na isa siyang napakabuting ama kay Zion at partner sa akin.]

Ibinida rin ni Lahbati na kilala na rin ng kanilang anak si Sandrino, ang Hari ng mga Bampira na ginagampanan ni Gutierez sa bagong teleserye ng ABS-CBN, ngunit nagulat ang bata nang makita ang itsura nito.

“Noong una, parang shocked siya kasi may red contact lens, may pangil so parang hindi siya makapaniwala na tatay niya ‘yong nasa TV pero in-explain namin sa kanya na that’s Dada,” kuwento ng aktres.