Bong Revilla muling pinayagan ng Sandiganbayan na bisitahin ang maysakit na ama




Image from Community Newswatch PH Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Muling pinayagan ng Sandiganbayan si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla na makalabas ng kulungan upang dalawin ang kaniyang maysakit na ama na si Ramon Revilla Sr.

Ang nakatatandang Revilla ay kasalukuyang naka-confine sa St. Luke’s Medical City sa Taguig at nakatakdang sumailalim sa operasyon para sa kaniyang problema sa puso.

Nitong Miyerkules, muling nagpaalam si Revilla sa korte para madalaw ang kaniyang 90-anyos na ama sa pagamutan sa darating na Hunyo 19, mula 6 am hanggang 12 pm; at Hunyo 20, mula 2pm hanggang 8 pm.

Pinaboran naman ng Sandiganbayan First Division ang nasabing kahilingan ng aktor-politician na nahaharap sa kasong pandarambong at kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

“Acting on urgent motion dated June 14, 2017, filed by accused Revilla, the Court partially grants the motion for humanitarian considerations but for shorter than the periods sought,” anang Sandiganbayan.

Ganunpaman, may itinakddang kondisyon ang korte na kailangang sundin ng kampo ni Revilla.

Una, sa nasabing hospital lamang maaaring pumunta ang dating senador at wala nang ibang lugar. Maaari lamang siyang ibiyahe 1 oras bago ang nakatakdang oras ng dalaw at dapat ding makabalik ito bago ang itinakdang oras ng uwi.

Ang PNP ay inutusan din ng korte na magbigay ng security escort sa dating mambabatas.

Bukod dito, bawal din si Revilla na gumamit ng anumang gadgets o cellphone, o magpaunlak ng panayam sa media.