Bong Revilla hindi nakadalo sa unang araw ng paglilitis sa kasong plunder




Image from DFN FIles

MAYNILA, Pilipinas  –  Matapos ang ilang beses na pagkakaantala, natuloy din nitong Huwebes, Hunyo 22, ang paglilitis sa kasong plunder laban kay dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

Subalit bigong makadalo sa korte ang dating mambabatas sa unang araw ng pagdinig sa P224.5-M kaso ng pandarambong na kaniyang kinakaharap sa Sandiganbayan.

Paliwanag ng abogado ni Revilla na si Rean Balisi, kasalukuyang naka-confine sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig ang kaniyang kliyente matapos atakehin ng hypertension.

Simula pa umano noong Martes naka-confine si Revilla sa St. Luke’s kung saan naka-confine din ang kaniyang amang si Ramon Revilla Sr.

Nasa ikalawang araw ng pagdalaw si Revilla sa kaniyang ama nang atakehin umano ito ng high blood kaya nagpa-admit na rin sa nasabing pagamutan. Sa Huwebes ng hapon sana nakatakdang lumabas ang actor-politician, ayon pa sa abogado.

Ikinagulat naman ito ng Sandiganbayan dahil walang pormal na abiso sa kanila na naka-confine sa St. Luke’s si Revilla kahit pa una nang pinayagan ng korte ang furlough nito para madalaw ang ama.

Dahil dito, iniutos ng Sandiganbayan sa PNP Custodial Center na magbigay ng opisyal na report tungkol sa insidente.

Samantala, sa kabila ng hindi pagdalo ni Revilla, itinuloy pa rin ng korte ang pagdinig.