Halos isanlibong preso sa Bilibid, nabiktima ng food poisoning




Image by Monzonda

Halos isanlibong preso sa New Bilibid Prison ang naapektuhan ng pagkalason dahil sa pagkain mula sa isang caterer noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Director General Benjamin delos Santos ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Manila Bulletin na ang nakikita nilang pinakamalapit na dahilan ng pagkalason ng 910 bilanggo ay ang mga pagkaing isinilbi ng isang caterer noong Huwebes ng gabi, ika-25 ng Mayo.

Sa mga naapektuhan, 69 sa kanila ang kinailangang dalhin sa ospital at isa sa kanila ay nasa malubhang kalagayan.

Sabi ni De los Santos, isang matandang preso na dati nang may karamdaman ang malubha ang kondisyon.

Bukod sa pagkain, hindi rin umano inaalis ng pamunuan ng BuCor ang posibilidad na may kinalaman ang tubig na ininom ng mga preso.

Magsasagawa umano ang BuCor ng lab tests sa pagkain at tubig.

Ayon sa mga kaaanak ng mga preso na dumalaw sa Bilibid, may namataan daw silang dalawang water tanker na nagrasyon ng tubig doon.