12 inmates na pinatakas ng NPA na lumusob sa police station, nagtago lang sa CR sa halip na tumakas




Image from NDBC

Isang dosenang mga bilanggo ang tinangkang patakasin ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na lumusob sa isang police station sa Quirino province, pero mas pinili nilang manatili sa loob ng piitan.

Lumusob sa Maddela Police Station sa Quirino province noong Sabado ng gabi, ika-29 ng Abril, ang tinatayang 50 NPA fighters na dumukot sa hepe ng nasabing himpilan ng pulisya at dalawa pang pulis.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, ikinuwento ng isang inmate na narinig na lang nila ang palitan ng putok sa pagitan ng mga rebelde at mga pulis na tumagal ng halos 20 minuto, kung saan isang pulis ang napatay. Puwersahan umanong binuksan ng mga umatakeng rebelde ang kanilang selda at sinabihan silang tumakas na.

Kuwento pa ng bilanggo, sa halip na tumakas ay nagtago silang lahat sa loob ng palikuran (CR) ng kanilang selda sa pangamba na matamaan sila ng mga bala. Dagdag pa niya, maging ang kasama nilang pilay ay mabilis na nakapagtago sa loob ng CR dahil sa matinding takot.

Tinangay ng mga rebelde ang ilang laptop, mga baril at dalawang police cars sa kanilang pagtakas.