[Video] 200,000 na Trabaho, Iaalok ng Pamahalaan sa ‘Mega Job Fair’ sa Mayo 1




Image capture of video by ABS-CBN News via YouTube account

“Magandang balita para sa mga naghahanap ng trabaho!”

Iaalok ng pamahalaan sa mga nangangailangan ng trabaho ang mahigit sa 200,000 na hanapbuhay sa “Mega Job Fair” sa Mayo 1, 2017.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), 201,811 na mga bakanteng trabaho ang naghihintay sa mga naghahanap ng trabaho.

Sa pahayag ng DOLE, 128, 485 ang bilang ng mga trabaho sa ibang bansa; 69, 944 naman ang bilang para sa lokal na trabaho; at mahigit sa 3,422 ang bilang ng trabaho sa pamahalaan.

Karamihan sa mga bakanteng trabaho sa abroad ay laborer, cleaner, service crew, electrician at nurse.

Habang, pangunahing hanap sa lokal na trabaho ay production machine operator, customer service assistant, pulis, call center agent at office clerk.

Aminado naman ang DOLE na 20% o isa sa kada limang aplikante lamang ang natatanggap dahil sa hindi tugma ang kanilang pinag-aralan sa hinahanap ng mga employer.

Sa datos na nakalap ng ABS-CBN Investigative at Research Group, karamihan sa pumasok na labor force noong 2015 ay graduate ng Business Administration, Education and Teacher Training, Information Technology at Engineering.

Ayon naman sa DOLE, ito ang sinusubukang tugunan ng K to 12 ng Department of Education (DepED), ngunit dapat pa rin na mag-adjust ang  future job seekers.

Kasama pa rin sa mga patok na trabaho ay may kinalaman sa IT BPO, Retail trade, Turismo at Agroprocessing, saad sa ulat ng TV Patrol.

Nagpaalala rin ang DOLE sa mga pupunta sa job fair na kumpletuhin ang dalang mga dokumento at magdala ng maraming kopya.

Dagdag pa ng DOLE, maganda rin na may mga ideya na ang mga naghahanap ng trabaho sa gusto nilang pasukan.

Mayroon din naman mga orientation sa job fair site na makatutulong sa mga naghahanap ng trabaho.

Kinumbinsi rin ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, ang mga nangangailangan ng trabaho na makilahok sa job fair ng pamahalaan, ayon sa ulat Bombo Radyo.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito: