Gen. De la Rosa, tinanong ang Diyos kung karapat-dapat ba siyang PNP Chief




Image from Viral Mirror

“Karapat-dapat ba siya sa kanyang pwesto bilang hepe ng PNP?”

Ito umano ang itinanong ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald De la Rosa sa Diyos nang nagnilay-nilay siya sa San Pedro Cathedral sa Davao City noong Semana Santa.

Ayon sa Inquirer, hindi dumalo si Gen. De la Rosa sa lingguhang flag ceremony sa PNP national headquarters sa Camp Crame noong Lunes, ika-17 ng Abril. Bagkus ay nakipagpulong siya sa mga kawani ng Bureau of Customs (BOC).

Kuwento niya, noong nasa katedral umano siya ay naalala niya ang panahong pinagsamahan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ito pa ang alkalde ng Davao City at siya naman ang hepe ng pulisya doon.

Naitanong niya raw kung karapat-dapat nga ba siya sa kasalukuyan niyang puwesto bilang PNP chief.

“Dati ordinaryong pulis lang ako sa church na ’yon, nagsisimba doon. Hanggang ngayon hindi mag-sink in sa ’kin bakit ako naging PNP chief,” aniya.

“Tinatanong ko si Lord: Ako ba ay karapat-dapat sa puwesto na ’to?”  dagdag pa ng PNP Chief.

Pero naniniwala raw siya na binigyan siya ng Panginoon ng misyon na tulungan ang Pangulo na sugpuin ang droga, kriminalidad at korapsyon sa bansa.

Hinimok rin niya ang mga BOC employees na tulungan ang Pangulo na maghatid ng pagbabago sa bansa.