Alamin! Masamang Epekto sa mga Batang Palaging Gumagamit ng ‘Gadgets’




Image capture of video by GMA News via YouTube account

Hindi ba nakabibilib ang kahusayan ng mga bata sa paggamit ng gadgets. Ngunit, ano nga ba ang masamang epekto sa mga batang palagi na lamang ‘nakatutok’ sa gadgets?

Isa si ‘Biban’, 4-anyos, sa mga batang tahimik na gumagamit ng ‘iPad’. Ayon sa kaniyang ina na si Mitchie, kapag naiinip at bumabagal ang internet connection ay naiinis ang kanyang anak.

Ani Mitchie, maghapon hanggang hatinggabi gumagamit ang kanyang anak ng iPad. Dagdag pa niya, minsan ay nagpipigil sila sa paggamit ngunit wala na silang magawa kapag nagwawala na si Biban.

Ayon kay Mitchie, tila ay nagkaroon ng problema sa pag-uugali ang kaniyang anak. Hinala din niya na may kinalaman ang pagbabago ng ugali ni Biban dahil sa sobrang paggamit ng gadget at pagtutok sa internet.

Ani Mitchie: “Yung sa iPad kapag hindi niya ma-ano, tinutuktukan niya yun iPad ‘pag nagagalit na siya.” 

Paliwanag ni Dr. Rizason Go Tian-Ng, isang child psychologist, hindi dapat masanay ang mga bata ang paggamit sa “digital world” na kung saan ay ‘instant’ ang lahat.

Ani Dr. Tian-Ng: “Ang paggamit ng iPad ay instant. ‘Pag pindot niya may change of scene o may command na nagagawa. Iba ‘yan sa real world. Sa real world, dapat matuto tayong maghintay, matuto tayong mag-taking turns.”

Ang mga magulang ay dapat umanong bantayan ang kanilang mga anak at limitahan sa dalawang oras ang paggamit ng internet o gadgets, saad sa ulat ng Balitanghali.

Saad ni Dr. Tian-Ng, ang mga batang palaging nakatutok sa gadget ay hindi na nakakakain, hindi na nakakausap at minsan pa raw ay pati ang pagpunta sa banyo ay hindi na rin nagagawa.

Dagdag ni Dr. Tian-Ng: “Nagkaroon na siya ng habit na sanay siya at gusto niya hinahanap niya yun oras ng pagko-computer. Kapag umabot sa ganun kasi medyo may alarm bells na tayo.”

Ayon sa pag-aaral ng pangkat ng Play Pilipinas, modern games na gamit ang makabagong teknolohiya ang nilalaro ng mga kabataan; at 18% umano ang naglalaro tuwing may pasok at 29% naman tuwing weekend.

May mga panganib din na makita ng mga bata ang mga litrato, video o web links na hindi wasto sa kanilang edad.

Pinapayuhan ang mga magulang na limitahan o i-block ang mga site na hindi pambata para sa kapakanan ng mga bata.

Ang pagba-block sa mga site ay magagawa gamit ang filtering at privacy option sa mga social media accounts.

Ani Justin Joyas, social media manager ng GMA News, mayroong ‘smart filters’ na settings sa Facebook at YouTube app para sa mga bata.

Ang mga browser ay maaari rin gawing child friendly.

Ang pagiging magandang huwaran at tamang paggabay ng mga magulang at mga nakatatanda ay pinakamahalaga para sa paggamit ng mga bata sa kanilang gadget.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito:

Source :

GMA, YouTube, Facebook