PDEA, Nanindigan na Walang Nilabag na Karapatang Pantao sa mga Presong Pinaghubad sa Operasyon




Merlie Dacumos, Cebu Provincial Police Office Handout/ AFP

Nanindigan si PDEA Regional Director Yogi Felimon Ruiz, na walang karapatang pantao na nalabag sa nangyaring ‘greyhound operation’ sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC).

Ani Ruiz, hiniwalay ang mga babae at lalaking preso sa nangyaring pagsisiyasat; ang mga babaeng agents ay nakatalaga para sa mga babaeng preso at nasa isang specific area, hiwalay sa mga lalakeng preso, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Ayon naman sa pahayag ng Amnesty International, malinaw na malupit at hindi makatao ang insidente sa mga preso.

“This incident clearly amounts to cruel, inhumane and degrading treatment of prisoners,” ayon sa pahayag ng Amnesty International.

Hinalimbawa rin ng Amnesty International ang pamantayan ng United Nations at mga batas ng Pilipinas sa pag-highlight ng obligasyon ng mga awtoridad upang matiyak na hindi pinahihirapan ang mga preso.

Ayon sa Human Rights Watch, hindi pinahihintulutan ng international standards ang paglabag sa privacy ng mga preso.

Hindi umano makatao ang pagpapahintulot na payagang kuhanan ng larawan ang mga nakahubad na preso, ayon sa pahayag ng Human Rights Watch.

Ayon din sa netizens, inhumane ang ginawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga preso na hinayaan silang hubad sa madaling-araw.

Sa inisyal na ulat ng ABS-CBN, naging viral sa social media ang hubad na larawan ng mga preso na nakaupo sa open court ng CPDRC.

Paliwanag naman ni Ruiz, nasa kanila ang pasya sa pagpapahubad sa mga preso, kaysa ilagay sa alanganin ang ilan sa mga agents at mapatay.

Nakumpiska nila ang 80 cellphone units, laptops, bladed weapons, P90,000, at 19 sachets na hinihinalang shabu sa kulungan ng humigit sa 3,000 inmates of the CPDRC.

Sa panayam kay Ruiz, sinabi nito na kukunin niya ang buong responsibilidad sa nangyaring operasyon at kung paano ito isinagawa.

Saad ni Ruiz, nagsagawa sila ng raid matapos nilang makatanggap ng text messages kay Cebu Governor Hilario Davide III na mayroong mga ilegal na droga at kontrabando sa loob ng CPDRC.

Iginiit ni Ruiz, ang pagpapahubad sa mga preso ay bahagi ng kanilang ‘measures’ upang matiyak na payapa ang nasabing operasyon.

Ani Ruiz, 129 lang na personnel ang mula sa PDEA, at ang ibang enforcement agencies ay nandoon upang isagawa ang operasyon.

Tiniyak rin ni Ruiz, na kahit nakahubad ang mga preso, sila ay organisado nang ilipat sila sa open court habang ang pagsisiyasat sa kanilang mga selda at imbentaryo ay isinasagawa.

Turan pa ni Ruiz, sinama niya sa kanyang report ang pagpapahubad sa mga preso at ito ay kanyang isusumite kay Davide at sa PDEA head office.

Isasama rin ni Ruiz ang kanyang pagmamasid sa loob ng CPDRC. Ilan dito ay ang pagpapahintulot sa mga preso na hawakan ang susi ng kanilang selda. Aniya, kinakailangan pa ng  jail guards ng CPDRC na kumatok sa bawat selda upang sabihin sa mga preso na buksan ito habang isa sa mga preso ay may hawak ng susi.

Samantala, hindi pa nagpapalabas ng pahayag si CPDRC jail warden Dr. Gil Macato hinggil sa nasabing operasyon at kontrabando.

Si Macato ay wala nang mangyari ang raid. Naglabas na ng kautusan si Davide na umalis sa katungkulan ang lahat ng jail guards na nasa ilalim ng imbestigasyon.

Ani Davide, mula noon, wala siyang natatanggap na mensahe kay Macato. Dagdag pa niya, tumatanggi si Macato na tanggapin ang tawag niya.

Si Macato ay nanungkulan bilang jail warden ng CPDRC ng apat na buwan lamang.