P1,000 dagdag-pensyon para sa SSS pensioners, maaari nang i-withdraw sa bangko simula Biyernes, ika-3 ng Marso




Image capture of video by TV Patrol via ABS-CBN News' YouTube channel

Inanunsiyo ng Social Security System (SSS) na matatanggap na ng mga pensiyonadong kasapi nito ang P1,000 na karagdagang pensyon simula sa Biyernes, ika-3 ng Marso.

“Malugod naming ibinabalita sa aming mga pensyonado na ang karagdagang P1,000 benepisyo para sa buwan ng Enero 2017 ay maaari nang i-withdraw sa kanilang bank accounts,” masayang sabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel Dooc noong Huwebes, ika-2 ng Marso.

Ang karagdagang pensyon na para naman sa buwan ng Pebrero ay sa ika- 10 ng Marso makukuha at ang para sa buwan ng Marso ay sa ika-17 ng Marso puwedeng kunin.

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi pa ni Dooc na patuloy silang gagawa ng paraan upang mapalawig ang buhay ng SSS upang mapaglingkuran ang kasalukuyan at papasok na miyembro ng state pension fund.

Nasa 2.2 milyong SSS pensioners ang makikinabang sa P1,000 dagdag-pensyon kada buwan.