Mga tiwaling pulis dapat isabak laban sa mga Abu Sayyaf – ARMM governor




Image from The Long War journal

Ipinanukala ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Mujiv Hataman na isabak sa digmaan kontra sa Abu Sayyaf ang mga tiwaling pulis na idedestino sa nasabing rehiyon.

Ang panukala ni Hataman, ayon sa Philstar, ay ginawa nito sa gitna ng mga napaulat na planong ilipat sa ARMM ang mga rogue cops na nasangkot sa ilegal na droga.

“Kung ilalagay lang sila sa headquarters baka dagdag lang sila sa administrative problem,” anang ARMM governor.

Dagdag pa niya, ang ARMM police ay may sapat nang problema tungkol sa kanilang kapulisan.

Ang mga tiwaling pulis na ipatatapon sa Mindanao ay mas mapakikinabangan pa umano kung tutulungan nila ang militar sa mga public works o kaya’y magsilbing bantay o tagapagluto kapag may operasyon ang mga sundalo.

Nauna na umanong ipinahayag ni Philippine National Police Chief Ronald De la Rosa na patayin na lang umano ng mga residente ng ARMM ang mga tiwaling pulis kung magpapatuloy sila sa pagiging pasaway.