‘Tunay na ganda’ ni Maxine Medina, palulutangin ng isusuot niyang Pinoy-made gown at costume




Imahe mula sa YouTube video ng ABS-CBN

Magiging isang pasabog daw ang paglabas ni Binibing Pilipinas Maxine Medina sa Mall of Asia Arena suot ang kanyang long gown sapagkat palulutangin daw nito ang tunay na ganda ng Philippine representative.

Ayon sa Abante, isusuot ni Medina sa darating na 65th Miss Universe pageant ang creations ng Filipino designer na si Rhett Eala. Si Eala ang gagawa ng kanyang national costume at evening gown.

“We’ve been working on it since Maxine won. She gave me a couple of weeks after her win, then we started sending sketches back and forth, get approvals, working on fittings. It’s a collaboration between me, Maxine and the Binibini organization,” wika ng designer.

[Tinatrabaho na namin ito simula pa noong nanalo si Maxine. Dalawang linggo pagkatapos niyang manalo ay nagsimula na kaming magpalitan ng disenyo, kumuha ng opinyon, at magsukat. Isa itong kolaborasyin sa pagitan ko, ni Maxine, at ng organisasyon ng Binibining Pilipinas.]

Sa ngayon, bagama’t may mga ipinasilip nang gown si Eala ay isinisikreto pa niya ang itsura ng isusuot ni Medina sa national costume competition at gano’n din sa evening gown competition.

Samantala, kamakailan ay ipinakita na rin ang estilo ng paglalakad ni Medina na kung tawagin niya ay “killer walk”. Ang signature walk ng dalaga ay ipinakita sa social media ng kanyang pageant mentor na si Jonas Gaffud. Ayon dito, ilang beses din nila itong sinanay noong nakaraang holidays. Makikita raw sa video ang malaking improvement sa confidence ni Medina.

Tingnan ang ilan sa mga gown na isusuot ng ating Philippine representative sa Miss Universe na si Maxine Medina: