Seguridad ng Miss Universe candidates, pinangangambahan pa rin




DAVAO CITY, Pilipinas – Ilang linggo bago idaos ang Miss Universe pageant sa Pilipuna, nangangamba pa rin umano ang marami para sa seguridad ng mga kandidata na bibisita sa lungsod ng Davao .

Ayon sa Bombo Radyo, napag-alaman na 17 lamang sa mga kandidata ang pinayagang dumalo sa fashion show at sa iba pang aktibidad na gaganapin sa susunod na linggo, lalo na sa January 19, sa Davao City kung saan ang  mga organizer daw mismo ang unang natakot sa sitwasyon ng peace and order sa lugar. May mga pangamba pa rin daw ang mga ito kung ligtas nga ba ang lugar lalo na at may pambobombang naganap dito noong September 2, 2016.

Gayunman, muling tiniyak ni Teo na magkakaroon ng ligtas na pananatili ang mga kandidata sa lugar na minsang pinagsilbihan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde, sapagkat  nasa 4,000 na mga pulis ang magbabantay roon bunsod ng isasagawa ring ASEAN Summit kickoff.

Sa katunayan, nito lamang nakalipas na araw ay nagpalipas pa ng magdamag sa lunsod si Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Magugunitang noong Oktubre ng nakaraang taon ay pumunta rin ang ilang Miss Earth candidates sa Davao para sa kanilang paglilibot sa ilang magagandang destinasyon sa rehiyon.

Utos ng Palasyo

Samantala, hangad ng palasyo ng Malacanang na maging matagumpay ang pageant na iho-host ng bansa kung kaya’t kinalampag ang lahat ng ahensya ng gobyerno na makipagtulungan.

Sa inilabas na Memorandum Circular No. 13 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong Disyembre 28, 2o16, hiningi ang suporta at sama-samang pagkilos ng lahat ng tanggapan para sa ikaaayos ng prestihiyosong patimpalak. Ipinaabot din ni Medialdea na dapat ay walang masasakripisyong trabaho at paggamit ng pondo ng bayan sa gagawing pagtulong.

Nananabik ka na ba sa pagdaraos ng Miss Universe pageant dito sa bansa? Panoorin ang promotional video ng Miss Universe 2017: