Nora Aunor humingi ng paumanhin sa INC matapos niya itong tawaging ‘Iglesia ni Manalo’




Image from Nora Aunor for National Artist Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Humingi ng paumanhin si Superstar Nora Anor sa pamunuan at mga kasapi ng Iglesia ni Cristo matapos niya itong tawaging ‘Iglesia ni Manalo’ sa isang mensahe para sa karibal na grupong ‘Ang Dating Daan’ noong nakaraang buwan.

Matatandaang nabatikos si Ate Guy dahil sa kaniyang pahayag sa selebrasyon ng ika-36 anibersaryo ng ‘Ang Dating Daan’ na ginanap sa Mall of Asia (MOA) Arena noong ika-9 ng Disyembre.

Sa kaniyang mensahe, ikinumpara ng Superstar ang kaniyang naging karanasan noong siya ay Katoliko pa lamang at minsan ay napasama sa INC hanggang sa tuluyang sumapi sa Ang Dating Daan ni Bro. Eli Soriano.

“Kasi hindi po… parang hindi ko po maatim na hindi ko sabihin. Alam n’yo po ako ay isang Katoliko. Noong may kaibigan po ako, na miyembro ho ng Iglesia Ni Manalo, ako po ay napasama dun sa kanila,” kuwento ng beteranang aktres.

“At doon ko po nakita na kapag nagpunta pala kayo doon, hiwalay ang mga babae sa lalaki. At kailangang magkaroon kayo ng donasyon. At inantok ho ako sa totoo lamang nung pumunta po ako,”dagdag pa nito.

Matapos mabatikos ang Superstar dahil tinawag niyang ‘Iglesia ni Manalo’ ang grupong pinamumunuan ni Executive Minister Bro. Eduardo Manalo, napilitang humingi ng paumanhin si Nora na idinaan niya sa Facebook account ng kolumnista ng Inquirer na si Bayani San Diego noong Enero 9.

Narito ang kabuuang pahayag ni Ate Guy:

“Para sa lahat po ng mga Ministro at sa lahat ng mga kapatid natin sa Iglesia ni Cristo:

“Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran kung may nasabi po akong hindi maganda, lalo na ang pagkakabanggit ko ng ‘Iglesia ni Manalo.’

“Marami na rin po kasi akong naririnig na mga tao na ganito ang tawag nila kaya hindi ko po alam na ang pagkakabanggit ko ng ganito ay sobrang ikinasama ng loob ng nakakarami nating kapatid sa INC.

“Inuulit ko po na wala po akong masamang ibig sabihin at hindi ko puwedeng saktan ang damdamin ng kahit na sinong tao, ano man ang kanilang relihiyon.

“Isa pa po, hindi po ako magiging Nora Aunor kung wala po itong mga taong ito na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa akin mula noon hanggang ngayon.

“Itong mga taong ito na may kanya-kanyang paniniwala at kaanib ng iba’t ibang relihiyon. Kung paano nila ako minamahal at itinataguyod bilang kanilang idolo, triple po ang respeto at pagmamahal ko sa kanila.

“Ayoko po hangga’t maaari na makagawa ng mga bagay na alam kong masasaktan sila. Siguro naman po kahit papaano ay alam at nakikita rin naman po ito ng mga taong nagmamahal sa akin na madalas kong nakakasama at nakakausap na itinuring ko na rin pong pamilya ko. Kaya hindi ko po inisip na masama ang ginawa ko.

“Umaasa po ako na maiintindihan ito ng ating mga minamahal na mga Ministro at mga kapatid natin sa INC.

“Wala pong perpektong tao. Lahat po ng tao ay nagkakamali. Sino mang pinaniniwalaan nating lahat na naglalang sa atin ay mapagpatawad.

“Ito po ang inaasahan ko sa INC: Ang mapatawad ako sa aking pagkakamali.”