Mga manonood ng Miss Universe event sa Vigan, bawal makipag-selfie sa mga kandidata




Maaaring manood ng Miss Universe event sa Vigan ngayong darating na Linggo ngunit ipinagbabawal ang pakikipag-selfie sa mga kandidata.

Ayon sa Bombo Radyo,  sinabi ni Chief Inspector William Nerona, hepe ng Police Community Relations ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), na bagama’t bukas sa publiko ang mga event sa pagbisita ng Miss Universe candidates ay mahigpit na ipagbabawal ang pakikipag-selfie sa mga kanidadata. Aniya, mahigpit ang ipatutupad na security preparations lalo na at maraming bisita ang inaasahang daragsa sa Vigan.

Sa Enero 15 darating ang mga Miss Universe beauties at magpapalipas lamang sila ng isang gabi at kinabukasan ay lilisanin na rin nila ang lugar.

Wika ni Nerona, isang malaking oportunidad ang pagbisita sa kanila ng mga kandidata ng Miss Universe at nais nilang mapatunayan na ang Vigan ay hindi lamang isang lugar kung saan makikita ang heritage site kundi lugar ito ng mga disiplinadong tao.

May nakatalaga umanong dalawang babaeng pulis sa bawat kandidata; maliban pa sa mga police officer na naka-deploy sa daraanan ng mga kalahok sa nasabing patimpalak.

 Memorandum Circular

Samantala, sa inilabas na Memorandum Circular no. 13 — na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong Disyembre 28, 2016 — hiningi ng Palasyo ang suporta at sama-samang pagkilos ng lahat ng tanggapan para sa ikaaayos ng prestihiyosong patimpalak.

Ipinaabot din ni Medialdea na dapat ay walang masasakripisyong trabaho at paggamit ng pondo ng bayan sa gagawing pagtulong.

Ang Miss Universe pageant ay gaganapin sa Pilipinas ngayong ika-30 ng Enero sa Mall of Asia Arena.

Narito ang video tungkol sa pre-pageant acctivities: