Karne ng mga Pangolin, Pinatuyong mga Seahorse, Seadragon, Nakumpiska ng PCG




Larawan mula sa INQUIRER BANDERA at Tanod Baybayin ng Pilipinas via Facebook pages

Nakumpiska ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga karne ng mga panggolin o ant eater at pinatuyong seahorse at seadragon.

Ayon sa ulat ng GMA, ika-10 ng umaga nang halughugin ng PCG ang isang trak na lulan ng barko na galing sa Bacolod, matapos nilang makatanggap ng impormasyon sa intelligence unit ng Philippine Air Force.

Ang nasabing trak ay sakay ng M/V St. Francis Xavier na nakadaong sa Manila North Harbor, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Nakita ng mga PCG sa mga kahon at styro box ang mga kawawang anyo ng mga frozen meat ng pangolin na wala nang kaliskis.

Natagpuan din ang mga pinatuyong seahorse at seadragon na isinama sa mga plastik para itago papuntang Valenzuela.

Ani PCG Spokesperson Commander Armand Balilo, 13 sako ng pinatuyong seahorse, 60 piraso ng pangolin at isang kahon ng seadragon ang nasabat mula sa 10-wheeler truck na pag-aari ng 2Go Group Inc. sa Pier 4.

Labis na ikinalungkot ng mga opisyal ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nalaman dahil critically endangered species na ang mga pangolin.

Endangered species na rin ang mga seahorse at seadragon, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakasibat ang PCG ng mga kontrabando dahil malakas ang ‘demand’ ng ganitong mga hayop sa ibang bansa.

Sinampahan ang driver at pahinante ng trak ng paglabag sa Wildlife Act at Fisheries Code. Kapwang itinanggi ng driver at pahinante ang kinalaman sa kargamento.