Ganda ng Pilipinas, proseso ng pag move-on, ipapakita ng pelikulang ‘Sakaling Hindi Makarating’




Image capture from Sakaling Hindi Makarating Youtube account

Hindi lang kung paano mag-move on kundi ang ganda ng Pilipinas ang ipapakita ng pelikulang ‘Sakaling Hindi Makarating’ na pinagbibidahan ng mga artistang sina Alessandra de Rossi, JC Santos at Pepe Herrera.

Ang pelikula, sa panulat at direksyon ni Ice Adanan, ay kuwento ng isang babae na kagagaling lang sa pakikipaghiwalay mula sa 11-taong karelasyon, na makatatanggap ng mga postcards mula sa isang misteryosong tao.

Sa kagustuhang mahanap ang nagpapadala ng mga postcards, hahanapin ito ni Cielo at unti-unting matututunang hanapin ang sarili sa pamamagitan ng paglilibot sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.

Magsisimula siyang dayuhin ang Mindanao patungong Visayas hanggang sa mapadpad sa Luzon.

Batay sa video ng Cosmo PH, limang mga probinsiya ang magagala ng mga manonood na mag-uumpisa sa Zamboanga, Siquijor, Marinduque, Ilocos Norte at Batanes. Pinili ang mga lugar na bihirang mapuntahan dahil sa mga maling konsepto tulad ng Zamboanga.

Ayon kay Adanan, napakaganda at makulay ang Zamboanga pero kinatatakutan dahil sa M.I.L.F. kaya gusto niyang ipakita ang bansa sa magandang paraan.

Sinabi din ng direktor na isinulat niya ang kuwento na nasa isip niya ang aktres na si De Rossi. Sa artikulo ni Yugi Vincent Gonzales ng Inquirer, sinabi ni Adanan na ginusto niyang hindi lang sakit ang maranasan ng karakter at manonood sa pelikula.

“Originally, when you read the first few drafts or the script, masakit lang siya. It just hurts, parang galit na galit ka sa mundo. Kasi at that time when I was writing it, I came from an eight-year relationship and it suddenly ended. Literally, I was in my room for three days writing about heartbreak,” pahayag ni Adanan.

“And as the years went by I realized, since nagmu-move on na rin ako, na there’s a beautiful way of telling it without it being so much painful — there’s a beautiful process that you go through. Habang tumatagal nai-inject ko siya, ang ganda-ganda pala ng paligid, bakit ako nagmumukmok?” dagdag nito.

Ang independent film na unang kasali sa Cine Filipino film festival noong 2016 ay ipapalabas sa mga sinehan sa Pebrero 1, 2017.

Panoorin ang mga trailer dito: