Aso, Kritikal ang Kalagayan Matapos Tagain ng Lasing na Kapitbahay




Imahe mula sa video ng ABS CBN

Paralisado ang ‘aspin’ na si Marian matapos tagain sa likuran ng kanilang kapitbahay na nakainom dahil sa pagdumi nito sa tapat ng kanilang bahay.

Ayon kay Michelle, may ari ng aso, nakawala si Marian noong Martes at nagulat na lamang sila sa sigaw ng mga kapitbahay nang makita ang duguang aso.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, umabot sa backbone ang taga ni Marian at sobra ring na-trauma dahil  sa tuwing hahawakan ay nanginginig ito; salaysay ni Michelle.

Sinundan nila ang patak ng dugo sa kalye hanggang sa natunton nila sa kanilang kapitbahay na si Bernard Rioflorido na diumano ay lasing. Kinumpronta umano ito ni Jesus, kapatid ni Michelle, ngunit pinagbantaan pa umano ang lalaki na papatayin ito.

Salaysay ni Jesus, sinigawan siya nito na itali ang kanilang aso, nilapitan siya at muntik pang hatawin ng bote.

Aminado naman si Bernard na tinaga nito ang aso dahil dumumi ito sa tapat ng kanilang bahay.

Humingi na ng tawad si Bernard sa pamilya nina Michelle at nagharap na rin sa Barangay ang magkapitbahay.

Payo ni Romeo Escarcha, Lupon ng Tagapamayapa ng Bgy. Del Paz, huwag daanin sa init ng ulo ang mga ganoong insidete at kausapin na lamang ang may-ari.

Habang lumalaki ang gastos sa pagpapagamot sa aso, desidido naman si Michelle na sampahan ng kaso ng animal cruelty ang nanaga na si Bernard.

Ayon kay Sharon Yap, PAWS officer: “Kahit anong alaga nating hayop ay parte ng pamilya natin kaya mayroon tayong batas na nagpoprotekta sa kanila.”

Bahagi na ng kanilang pamilya si Marian kaya hindi daw siya titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya ng kaniyang alaga.

Panoorin ang video na ito ng ABS CBN:

Source :

ABS CBN