2 Pampanga mayors kinasuhan ng PDEA kaugnay ng bentahan ng 3,000 baboy na nakumpiska sa drug raid




Image capture of video by Tomo News

Nahaharap sa mga kasong katiwalian at kasong administratibo ang mga mayor ng dalawang bayan sa Pampanga matapos umano nilang magsabwatan sa ilegal na bentahan ng 3,000 baboy.

Ayon sa ulat ng InterAksyon, kinasuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina Mayor Lourdes Lacson ng Magalang at si Mayor Jose Maria Hizon ng Bacolor dahil sa pagdispatsa sa mga baboy na nakumpiska ng PDEA sa isang hog farm na ginawang front ng shabu factory kung saan 7 Chinese nationals ang naaresto.

Si Mayor Lacson umano ang nagbenta ng mga baboy kay Mayor Hizon sa halagang P7 milyon. Si Hizon ay anak umano ng negosyanteng si Lolita Hizon, ang may-ari ng Pampanga’s Best; isang meat processing company.

Sinabi ng PDEA na ang mga baboy ay ibinenta nang walang public bidding at sa napakababang halaga. Lumalabas umano na P2,333 lang ang halaga ng bawat baboy.

Dagdag pa ng PDEA, ang mga baboy ay bahagi ng mga ebidensiya at walang sinuman ang pinapayagang alisin iyon sa farm nang walang court order.