PNP Chief, humingi ng patawad kay Lord dahil sa mga napapatay na suspek sa gitna ng war on drugs




Image capture of video by ABS-CBN via YouTube

Sa kanyang talumpati sa Christmas party sa national headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, hiningi ni PNP chief Directror General Ronald “Bato” Dela Rosa sa publiko na sana ay ipagdasal ang mga pulis na patawarin sila ng Diyos dahil sa mga napapatay na kriminal sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ng PNP Chief na hindi niya gustong pumatay ng mga kapwa Pilipino dahil kahit na mga kriminal ang mga iyon ay mga tao pa rin sila.

“Lord, patawad. Kahit masasamang tao ang namatay, they are still people, they are still human beings and they deserve to live dahil wala sa karapatan namin na kitilin ang kanilang buhay, pero nangyari nga dahil we don’t have complete control of the situation” paliwanag ni Chief Bato.

“Pero kung buhay naman ng pulis ang mawawala para lang ma-preserve ang buhay ng isang kriminal, malaking injustice po iyan sa ating mundo. Hindi ‘yan pupwede na mamamatay ang mga mabubuting tao…’yung masasama ang mabubuhay. So, Lord, forgive us,” dagdag pa niya.

Iginiit ni De la Rosa na bagama’t ayaw ng pamahalaan ang pagdanak ng dugo, hindi nila ititigil ang kampanya habang patuloy pa rin ang illegal drug trade.