Mahigit 6,000 empleyado, kailangan ng COA para mabusisi ang paggastos ng P3-T budget ng gobyerno




Imahe mula sa Facebook
Mahigit sa 6,000 empleyado ang kailangan ng Commission on Audit (COA) para mabusisi ang paggastos ng mahigit P3 trilyon na budget ng gobyerno ngayong taon at sa mga susunod na taon.

Ayon sa Abante, sinabi ni Senate Minority Leader Ralph Recto na mayroong 14,102 authorized personnel positions ang COA at ang 6,070 nito ay hindi pa napupunuan. Dahil dito, subsob sa trabaho ang 8,032 personnel ng COA para ma-audit ang trilyong pisong ginastos ng 19,081 ahensiya ng gobyerno. Sa isang taon lamang ay itinatayang 39 milyong vouchers ang sinisilip.

“Isang halimbawa, ang DSWD, more than P100 billion ang budget, sa 4Ps pa lang ay four million plus ang beneficiaries, dagdag pa ang thousands of community projects, pero wala pa yatang 50 ang auditors,” paliwanag ni Recto.

Binigyang-diin ng opisyal na mahihirapan talaga na i-audit ang P3 trillion kung may kakulangan sa tao at sa kagamitan.

“Kung kulang ang tao, gamit, at resources, hindi talaga kayang i-audit ang P3.917 trillion Total Expenses, Subsidies and Losses or TSL ng national government at P387.58 billion na TSL ng LGUs,” aniya.

Sa gitna ng mga deliberasyon para sa 2017 national budget, ilang beses iminungkahi ni Recto ang pagkuha ng karagdagang government auditors “so that watchdogs embedded in public offices won’t have a hard time doing their job [para ang mga bantay na nakatalaga sa mga pampublikong opisina ay hindi mahihirapang gawin ang mga trabaho nila].”

Ang suhestiyon ni Recto, ang mga dapat na ilagay sa mga bakanteng trabaho sa COA ay ang mga talentado at “idealistic millennials” upang hindi sila maimpluwensiyahan ng mga empleyado at opis­yal ng gobyerno na kumukupit sa pondo ng bayan. Para makakuha ng mga aplikante, hinimok ng senador na subukan ng COA na maglunsad ng mga recruitment drive sa mga kolehiyo at unibersidad at subukang makilahok sa mga job fair.