Korte Suprema ibinasura ang petition ni Revilla para madismiss ang kasong plunder




Image from Bong Revilla Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Matutuloy na ang pagdinig sa kasong plunder laban kay dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. matapos ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ng mambabatas na humihiling na ma-dismiss ang naturang kaso.

Si Revilla ay nahaharap sa P224.5-M na kasong pandarambong sa Sandiganbayan na may kaugnayan sa kaniyang umano’y pagkakasangkot sa ‘P10-B pork barrel scam’.

Matatandaang nag-file ng tatlong hiwalay na petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Revilla upang mahinto ang nakatakdang pagdinig ng Sandiganbayan sa kaniyang kaso sa darating na Enero 2017. Isa sa mga petisyong ito ay kinukuwestiyon ang umano’y ‘probable cause’ para ituloy ang nasabing pagdinig.

Subalit nitong Martes, ika-6 ng Disyembre, ay tuluyan nang tinuldukan ng korte ang agam-agam ng prosekusyon matapos ibasura sa botong 13-1 ang nasabing petisyon ng nakakulong na mambabatas.

Tanging si Associate Justice Presbitero Velasco Jr.  lamang ang bumoto pabor sa petisyon ni Revilla habang nag-inhibit naman si Associate Justice Francis Jardeleza.

Magsisimula ang pagdinig sa kaso ni Revilla sa Enero 12, 2017 na gaganapin tuwing araw ng Huwebes, umaga at hapon upang mapabilis ang pag-usad ng kaso.

Si Revilla ay isa sa tatlong senador na nakasuhan ng pandarambong dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Siya ay kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame simula nang sumuko mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Matatandaang umugong ang usap-usapan nitong linggo na posibleng paboran ng Korte Suprema ang petisyon ng actor-politician, lalo pa’t isa umano sa naging pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya ang ang posibleng paglaya nito kung sakaling makaupo ang huli sa puwesto.

Noong 2014, ibinasura rin ng Korte Suprema ang petisyon ng kampo ni Revilla para makapagpiyansa dahil na rin umano sa matibay na ebidensya na iprinisenta ng prosekusyon.