GMA: Walang Sinuman ang Basta-bastang Makapanghuhusga kay Duterte sa Pagbalik kay CIDG Marcos sa Puwesto




File Photo

“Walang sinuman ang basta-basta na lamang na makapanghuhusga sa desisyon na ito ni Pangulong Duterte.”

Dinepensahan ni da­ting Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kontrobersyal na pagbalik ni Pangulong Duterte kay CIDG Region 8 Director Supt. Marvin Marcos sa puwesto, ayon sa ulat ng Abante.

Iginiit ni Arroyo, kahit siya mismo na dating pa­ngulo ay walang karapatan na magbigay ng opinyon sa nasabing usapin. Ito ay dahil wala naman siyang hawak na mga impormasyon na ta­nging si Pangulong Duterte lamang ang nakakaalam.

Ani Arroyo, bilang Pangulo ng bansa ay maraming nakakalap na impormasyon si Pangulong Duterte na siya lamang ang nakakaalam. Dagdag niya, may mahahalagang impormasyon na hawak si Pangulong Duterte na mismong mga opisyal ng kanyang administrasyon ay walang alam.

Tinukoy ni Arroyo na hindi dapat husgahan si Pangulong Duterte sa mga ganitong sitwasyon, gaya na lang din ang paraan ng paglaban ng administrasyong Duterte sa ilegal na droga.

Ipinaliwanag din ni Arroyo, hindi rin dapat husgahan si Pangulong Dutete na nanghihimasok sa affairs ng Philippine National Police (PNP). Aniya, bilang commander-in-chief ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay may kapangyarihan ito na mag-utos at gumawa ng hakbang na alam niyang mas makabubuti sa lahat at sa institusyon.

Itinanggi rin ni Arroyo ang napabalitang pag-aalok sa kanya ni Pangulong Duterte ng puwesto sa gabinete, ayon sa ulat ng Balitang DF.

Ang pakikipagpulong ni Pangulong Duterte kay Arroyo ay upang ipakita ang listahan ng mga narco-politicians.

Nananatili ring tutol si Arroyo sa parusang kamatayan, ngunit iginiit na hindi siya makikipag-argumento kay Pangulong Duterte sa muling pagpapatupad nito.

Ayon kay Arroyo, kinikilala niya ang puwesto ni Pangulong Duterte bilang Pangulo, at nais niyang magtagumpay ang administrasyong ito.