Gay at transgender inmates sa QC jail nagbigay-saya sa kapaskuhan, nagdaos ng beauty pageant




Image capture of video by AFP

Labing-isang bakla at isang transgender na nakapiit sa Quezon City jail ang naghatid ng kakaibang saya sa kanilang kapwa bilanggo sa pamamagitan ng isang mala-“Miss Universe” na beauty pageant noong Sabado, ika-24 ng Disyembre.

Libo-libong mga preso ang naghiyawan at sumipol habang ang mga “beauty contestants” ay sumayaw at umawit habang nakasuot ng makukulay na wigs at magagarbong gowns. Bakas sa kanilang mukhang binahiran ng kolorete ang ligayang nadarama habang rumarampa sa ginawang entablado.

Ayon sa Inquirer, sinabi ni Gwen, ‘di niya tunay na pangalan, sa Agence France Presse na malungkot sa loob ng kulungan pero masaya siya na siya ang tinanghal na nagwagi sa beauty pageant. Aniya, nagbunyi ang kinasasapian niyang brigada (gang) nang tanghalin siyang winner sa contest.

Sinabi ni Ferdinand Abejon, ang organizer ng beauty pageant, na bahagi ng inmate welfare development ang nasabing kompetisyon. Sa kanilang pakikilahok sa mga katulad na gawain ay nakababawas sa kanilang jail time o sentensiya sa pamamagitan ng Good conduct time allowance law.