‘Di pwedeng sorry lang: Mga nadamay sa gitna ng war on drugs dapat bayaran ng pamahalaan – Lacson




mage from Senator Ping Lacson's Twitter account

Nagbigay ng suhestiyon si Senador Panfilo Lacson na dapat umanong bayaran ng pamahalaan ang mga taong hindi sinasadyang napatay o iyong mga nadamay lang sa gitna ng maigting na kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa isang tweet, sinabi ng senador, ang tagapangulo ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na ang mga biktima ng ‘di-sinasadyang pagpatay o collateral damage, higit sa lahat ‘yung mga hikahos sa buhay ay marapat lang na bayaran ng pamahalaan.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pamilya ng mga “nadamay” sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa droga katulad na lang umano ng ilang mga bata na natamaan ng mga ligaw na bala mula sa palitan ng putok ng pulisya at mga drug suspects.

Ani Pangulong Duterte, inaamin niya na mayroon talagang mga napapatay na hindi sinasadya, kagaya na lang umano ng mga bata na napatay sa “crossfire.”